Sunday, October 14, 2007

Isang Kaibigang Totoo (Isang Tula)

Sino ang iyong nilalapitan kapag ika’y may problema?
O kaya naman kung ika’y nagiisa?
Siguro sa isang taong parating masaya
at maari mong makasama diba?

Sa dami ng tao sa mundo,
Siya lang ang napili mo.
Sinasabi niya sayo ang katotohanan
Pati na rin ang mga kasinungalingan.

Siya ang araw-araw mong kausap
Tungkol sa hirap at sarap
Alam niyo ang nangyayari sa isat –isa
Kung ano ang “latest” tungkol sa kanya

Kung ikaw ay tunay
Siya ay mamahalin mo ng walang humpay
At kahit hindi siya perpekto
Iisipin mong posible ito

Kaya’t kung ikaw ay isang kaibigan
At kaibingang makatotohanan
Tandaan mo lang na ipakita
Ang tunay na ikaw at kung sino ka


Iniakda nina Digiena Jao at Martha Samson

Simangot Mukhang Lukot (Maikling Kwento)

Noong unang panahon sa isang malayong bayan, ay may isang babaeng laging nakasimangot. Ang babaeng ito ay si Ester. Si Ester ay isang babaeng maitim at kulot ang buhok. Minsan, inutusan si Ester upang bumili ng ulam sa tindahan at bawat makasalubong niya ay kanyang sinisimangutan. Nung siya ay nakarating sa tindahan, si Ester ay tinanong ng tindera "ano po ang bibilhin niyo?" "ULAM!" ang sagot ni Ester. Nainis ang tindera dahil sa pasigaw niyang sagot at sa nakasimangot niyang muka. Patuloy na sumimangot si Ester. "Kaya wala kang kaibigan, pumapangit ka araw-araw sa patuloy na pagsisimangot mo!" sabi ng tindera. Pagkalipas ng ilang araw, si Ester ay hindi pa rin nagbabago. Ang kanyang ugali sa halip na bumuti, ay nadagdagan pa ng pagdadabog.

Isang umaga, si Ester ay pumunta sa gubat upang mangngahoy nang biglang may nakita siyang isang matandang babae. "Ineng, maari mo ba akong tulungan?" tanong ng matanda. Ngunit si Ester ay hindi sumagot at sumimangot na lamang na parang walang narinig. Nagalit sa kanya ang matandang babae dahil sa pagkawalang galang niya. Nang si Ester ay pauwi na dala ang mga kahoy, siya ay nadapa at natusok ang kanyang labi. "Tulong! Tulong!" ang sigaw niya. Ngunit walang tumulong sa kanya dahil lahat ng tao ay galit sa kanya. Namaga ang kanyang labi na halos umabot ito sa kanyang ilong at mistulang boksingero na nabugbog ng kalaban.

Pagkalipas ng ilang araw, si Ester ay hindi na lumalabas ng kanilang bahay dahil sa kahihiyan. Simula noong araw na iyon, ang mga tao sa barangay ay binansagan siyang, Ester simangot mukhang lukot.


Iniakda ni Digiena Jao

Saturday, October 13, 2007

Laging Nandyan ang Diyos (isang maikling kwento)

Noong isang araw, may batang babaeng nagngangalang Andrea. Si Andrea ay isang napakabait na bata at tuwang-tuwa ang lahat ng tao sa kanya. Ngunit isang madilim na gabi, nagkaroon ng isang napakalaking baha. Lahat ng mga tao sa bayan ay tumakbo, pati na rin si Andrea at ang kanyang ina. Madami sa mga tao ay nasawi, hindi nakabilang si Anrea doon pagkat siya at ang kanyang ina ay isa sa mga unang nakatakbo, ngunit habang tumatakbo, natapilok ang ina ni Andrea at nagkawalay sila sa malaking grupo ng taong tumatakbo. Walng magawa si Andrea. Tumakbo na lamang siya, tumakbo sa isang malayong lugar.

Iyak ng iyak si Andrea. Pinagduduhan niya ang Diyos at galit na galit siya dito.

Sumigaw si Andrea, "Bakit po!? Ano po ba ang nagawa ko? Di po ba ako naging mabait na bata?!"

Biglang nagdilim ang kanyang paningin, tila nawala ang araw, may lumabas na maliwanag na ilaw at mayroon siyang narinig na malaking boses,

"Andrea, wag kang mawalan ng pag-asa. Aalagaan kita wag ka lang mawalan ng pananampalataya."

Nagbukas ang paningin ni Andrea, at unti-unti siya muling nagtiwala sa Panginoon. Naglakad siya at makalipas ng ilang oras may nakita siyang maliit na bayan. Pumasok siya dito at namangha siya sa kanyang paligid, kay ganda ganda. Mayroong mga brilyante na tila nakalutang sa bawat sulok, nag-niningning at nakakabulag sa liwanag.

Mayroong isang bata na lumapit sa kanya at nagwika, "May isang lalaking naka-sakay ng isang kabayo, na nagsabi sa akin na ikaw ay darating. Binayaran niya ako basta't daw alagaan kita ng mabuti."

Kinuha niya ang kamay ni Andrea at dinala niya ito sa kanyang bahay. Ipinakain niya si Andrea, pina-inom at pinahinga niya ito. Nang nagising si Andrea, nakita niyang nakahiga na lamang siya sa isang bato. Tila naglaho ang bahay at higaang naramdaman niya noong natutulog siya.

Tumawa na lamang siya at sinabi, "Salamat Diyos."

Yoon na lamang ang laging nangyayari. Maglalakad siya ng maliit na distansya at makaaabot siya sa isang bayan, mayroong lalapit sa kayang bata at dadalin siya sa isang bahay. Papakainin siya, papainumin, at papahigain. At tuwing gigising siya ay makikita niyang nasa bato na lamang siya at ang kanyang kinalalagyan ay tila naglaho na.

Paulit-ulit ang pangyayaring ito, hangga't dumating na sa tamang edad si Andrea at kaya na niyang ipagtanggol at alagaan ang kanyang sarili.

Nagpapasalamat talaga si Andrea sa Diyos pagkat hindi siya pinababayaan nito.


iniakda ni Zarah Miaral

Naomisey ( maikliking kwento)

Naglalakad si Casey sa tabing dagat, hawak-hawak ang isang simpleng pulseras, nilalanghap niya ang mainit na simoy ng hangin at magisang minamasdan ang pagbungad ng araw. Iniisip niya ang kanyang matalik na kaibigan na si Naomi, na kung sana’y buhay pa siya ay magkasama nilang pinagmamasdan ang unang pagbungad ng araw sa bakasyon.


Parang kailang lang ng nagsimula ang bakasyon. Hindi pa magkakilala ang dalawa noon.

Katulad ng mga lumipas ng pasukan magisang nanamang pumasok si Casey sa paaralan. Di-tulad ng ibang mga bata, walang kaibigan si Casey kaya lagi nalamang siyang nagiisa. Ito ang isa sa mga dahilan niya kaya wala siyang ganang pumasok sa paaralan. Ang pagkakaroon din ng mababang grado sa mga asignatura ay ilan sa mga ito.

Pag pasok niya ng kwarto, may napansin siyang bago, isang kamag-aral na ngayon lamang niya nakita, si Naomi. Napakasimple at ganda ni Naomi, bukod pa rito napansin ni Casey na parating nakangiti ang bagong kamag-aral. Katulad niya ang bagong bata ay nagiisa rin.

Pagdating ng breyk, parehong nagiisa sina Naomi at Casey, pareho silang nanatili sa silid.“ Kamusta? Ako nga pala si Naomi” yan ang pambungad na pagbati ni Naomi kay Casey sabay abot ng kamay. “ Ayos lang, Casey” ang sagot ni Casey at inabot din ang kamay. Simula noon, palagi ng magkasama si Naomi at Casey at naging matalik na kaibigan. Silang dalawa ang magkaramay sa kasiyahan at kalungkutan. Tinutulungan ni Naomi si Casey sa mga asignatura at talagang napapasaya naman ni Casey si Naomi.

Si Naomi ay isang matalinong bata. Mapa sa asignaturang Pilipino, Ingles, o Matematika ay kayang kaya niya. Ngunit ang lubos na hinahangaan ni Casey kay Naomi pagdating sa talento ay napakagaling niyang magsulat ng mga kwento, tula, at iba pa. Habang si Casey ay isang tunay na kaibigan, siya ay lagging nakikinig, nagpapayo, at nagpapasaya sa kanyang nagiisa at napatalik na kaibigan na si Naomi.

Naging napakasaya ng taon para sa dalawa, natutuwa at nasasabik din sila dahil malapit na silang magtapos. Marami na silang pinaplanong gawin ng magkasama sa bakasyon ngunit isang araw biglang isinugod si Naomi sa ospital.

Labis na nagalala si Casey. Araw-araw ay dinadalaw niya ang kaibigan sa ospital at kung wala namang pasok ay naroon din siya. Ito naman ang ikinatutuwa ni Naomi dahil kahit siya ay may sakit at hindi maganda ang pakiramdam ay naroon ang kaibigan sa kanyang tabi upang magkwento at pasayahin siya. Hindi malaman ng mga doktor ang sakit ni Naomi, ipinayo nila na dalin sa Estados Unidos ang bata upang malaman ang kanyang sakit.

Bagaman mahirap sa dalawa ang maghiwalay, ay alam nilang ito ang mas makububuti para kay Naomi. Sabay nilang inihahanda ang sarili sa paghihiwalay. “ huwag kang magaalala Casey palagi pa naman tayong maguusap sa telepono at susulatan kita” ang wika ni Naomi. “ Oo alam ko , basta magpagaling ka pagdating mo roon para mas mabilis kitang makita ulit” ang wika namna ni Casey. “ Pangako yan” naman ang sagot ng kaibigan.

Isang araw bago umalis si Naomi patungon Estados Unidos ipinatawag si Casey mula sa klase. Sabi ay naroon daw ang kanyang mga magulang. Nagtataka si Casey sa pangyayari at hindi rin maganda ang pakiramdam niya rito. “ Ano po ang nangyayari” tanong ni Casey sa kanyang mga magulang. “Pupunta tayo ng ospital” ang wika ng ina sabay yakap sa anak. Sa puntong ito ay alam niyang may posibilidad na may nangyaring masama kay Naomi. Hindi niya napigilan at umagos ang luha sa kanyang mga mata at nabasa ang kanyang mukha.

Pagdating sa ospital, nakita ni Casey ang mga magulang ni Naomi na umiiyak. Bigla siyang tumakbo patungo sa kwarto at hinanap kaagad ang matalik na kaibigan. At doon kanya ngang nakita si Naomi nakapikit, parang natutulog, ang mga kamay ay nasa gilid at hindi na humihinga. Sa una’y di makapaniwala si Casey. Nagtataka siya kung bakit nangyari iyon, akala niyang maayos naman ang lagay ng kaibigan, panay pagluha lamang ang nagawa niya.

Pagkatapos ng libing ni Naomi, ay nagtungo ang pamilya kasama si Casey sa bahay nila Naomi. Tahimik ang lahat habang nasa sasakyan, walang umiimik.

Pagdating sa bahay, tahimik parin ang lahat, pumasok si Casey sa kwarto ng kanyang kaibigan. Nakita niya ang mga litrato, ilang mga isinulat ni Naomi, ang napakadaming libro, at ang mga damit ng kaibigan. Biglang tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata. “ Para sa iyo galing kay Naomi” ang wika ng ina ni Naomi at may hawak na kahon. Nagtataka man nagpasalamat si Casey sa ina ni Naomi at kinuha ang kahon.

Pagbukas ni Casey sa kahon doon niya nakita ang isang pulseras, ilang mga litrato nilang magkasama, litrato rin ng dagat at nakasulat sa likod nito na nais niyang makapunta sa dagat kasama si Casey, ang isang sulat, at isang kwaderno.

Una niyang kinuha ang mga litrato naalala niya ang mga ito at mas lalo niyang hinihiling na sana’y kasama pa niya ang kaibigan. Pagkatapos nito ay binuksan naman niya ang kwaderno. Dito siya lubusang naluha dahil ang laman ng kwadernong iyon ang mga mensahe para sa kanya ng kaibigan at mga kwentong iniakda ni Naomi. Ipinagbilin ni Naomi kay Casey na itago ang kwaderno pati na rin ang pulseras at kung makakaya ay ilimbag ang kanyang mga kwento.

Naglalakad si Casey sa tabing dagat, hawak-hawak ang isang simpleng pulseras, nilalanghap niya ang mainit na simoy ng hangin at magisang minamasdan ang pagbungad ng araw. Iniisip niya ang kanyang matalik na kaibigan na si Naomi, na kung sana’y buhay pa siya ay magkasama nilang pinagmamasdan ang unang pagbungad ng araw sa bakasyon. Sa Naomisey resort na naipundar ni Casey dahil sa mga kwentong iniakda ni Naomi.


iniakda ni: Martha Samson

Wednesday, October 10, 2007

Ikaw (isang tula)

Ikaw lamang ang aking mamahalin
Dumating man ang katapusan ng mundo
Ikaw lagi ang aking iibigin
Para lamang sayo ako'y magbabago

Ikaw ang laging naaalala
Araw man o gabi
Pangarap kong laging magkasama
Magpakailanman ka sa aking tabi

"Mamahalin kita,
Maging sino ka man"
Isang linya sa kanta
Na tamang-tama ang kahulugan

Totoo ngang sa pag-ibig
Maraming isinasakripisyo
Parang dugo at tubig
Na napakahirap ihalo

Sa buhay na ito
Ang pag-ibig ang naghahari
Lahat ng pagsubok nalalagpasan nito
Basta't tama ang ating pinili

iniakda ni: Zarah Miaral

Tuesday, October 9, 2007

Sila (isang tula)


Araaaaaaaaaaay! Aaaaaaaah! Uuuuuuuu ang sigaw niya
sino ba ito kundi ang iyong ina
siya, kasama ng iyong ama
ang walang humpay na sa iyo'y nagalaga

Ang una mong mga salita, galaw, at lakad
ilan ito sa mga matututuan mo kaagad
ang bawa't talento mo'y dapat mo raw ilahad
at tanging kaligayahan mo'y tangi nilang hangad

Ngunit ngayo'y may sarili ng utak
bakit sila'y iyo ng itinutulak
wala na bang importansya ang panahong sa iyo inilagak
ng mga magulang na tawag sa iyo'y anak?

Tandaan mo sana'y tuwing ika'y lumuluha
ang sakit na ito'y kanila ding nadarama
mga pagkakamali mo sa kanila'y bali wala
basta't makapiling ka nilang ligtas sa tuwina

Siguro nga'y di mo pansin
na ang ginagawa nila'y para sa iyo rin
mga sarili nila'y papagurin
para ika'y makapagaral at makakain

Sino nga ba itong " sila"
sino pa kundi ang iyong ama't ina
sana sa kanilag pagtanda
pagmamahal mo'y sa kanila rin ipadama

Sana habang ngayo't maaga pa
ang pagmamahal at pagaaruga ay ipakita na
dahil balang araw sila'y lilisan upang makasama Siya
magpapahuli ka pa ba?


iniakda ni: Martha Samson

Mundo ng Basura (isang tula)

Sa mundong puno ng basura puno rin ng pangamba.
Taong walang tiyaga, kapaligiran ay baliwala.
Ngunit hindi alintala, sa basura'y makikita,
Bote, karton at lata, mga bagay na may halaga.

Ang mga taong maralita, ang buhay ay basura.
Madilim pa ay tulak na ang kariton sa kalsada.
"Bote! Dyaryo!", ang sigaw niya, tinig na parang musika.
Bote, lata ang gitara, karton naman ang tambol niya.

iniakda ni: Digiena Jao

Tootoong Makulay ang Buhay (isang Tula)

Bahagharing puno ng kulay
Diyaan maitutulad ang ating buhay
May kahel para sa kasiyahan
May asul na ating kalungkutan

Ibat-ibang kulay na pinaghalo
Parang malaking salu-salo
May puti para sa kapayapaan
May pula na ating mga alitan

Parang isang bukid ng bulaklak
Na ang kulay ay sandumakmak
May dilaw na kulay ng liwanag
At itim, isang kulay nakakabulag

Totoo ngang makulay ang buhay
Bahagharing isang tulay
Ibat-ibang mga emosyon
Tunay nga na representasyon


iniakda ni: Zarah Miaral

Sunday, October 7, 2007

Ang Aming Litrato


mula kaliwa papuntang kanan: Martha Samason, Zarah
Miaral at Digiena Jao

Thursday, October 4, 2007

freshmAAnpinoy0708





MABUHAY PILIPINAS!!


Magandang Araw, ang blog na ito ay bahagi ng isang proyekto namin sa Assumption Antipolo para sa asignaturang Filipino. Layunin nito na maipakita ang aming talento sa pagsusulat ng mga tula, maikling kwento at iba pa, bukod pa rito ay nais din naming maipaalala na tayong mga Pilipino ay may sariling panitikan na karapat dapat mahalin at pahalagahan.

Aming ikatutuwa kung mas mamahalin ninyo, aming kapwang mga Pilipino, ang katutubong panitikan dahil sa aming mga ibabahagi.

Sa "blog" na ito, makikita ang ibat-ibang panitikan na nilikha ng grupo na kinabibilangan nina:

Digiena Jao #22

Martha Samson #35

Zarah Miaral #26


Sana, katulad namin ay matutunan niyong mahalin ang panitikang tunay na atin. Maraming salamat at sana magustuhan niyo ang aming mga likha!


MABUHAY KA PILIPINAS, MABUHAY PILIPINO!!!