Saturday, October 13, 2007

Naomisey ( maikliking kwento)

Naglalakad si Casey sa tabing dagat, hawak-hawak ang isang simpleng pulseras, nilalanghap niya ang mainit na simoy ng hangin at magisang minamasdan ang pagbungad ng araw. Iniisip niya ang kanyang matalik na kaibigan na si Naomi, na kung sana’y buhay pa siya ay magkasama nilang pinagmamasdan ang unang pagbungad ng araw sa bakasyon.


Parang kailang lang ng nagsimula ang bakasyon. Hindi pa magkakilala ang dalawa noon.

Katulad ng mga lumipas ng pasukan magisang nanamang pumasok si Casey sa paaralan. Di-tulad ng ibang mga bata, walang kaibigan si Casey kaya lagi nalamang siyang nagiisa. Ito ang isa sa mga dahilan niya kaya wala siyang ganang pumasok sa paaralan. Ang pagkakaroon din ng mababang grado sa mga asignatura ay ilan sa mga ito.

Pag pasok niya ng kwarto, may napansin siyang bago, isang kamag-aral na ngayon lamang niya nakita, si Naomi. Napakasimple at ganda ni Naomi, bukod pa rito napansin ni Casey na parating nakangiti ang bagong kamag-aral. Katulad niya ang bagong bata ay nagiisa rin.

Pagdating ng breyk, parehong nagiisa sina Naomi at Casey, pareho silang nanatili sa silid.“ Kamusta? Ako nga pala si Naomi” yan ang pambungad na pagbati ni Naomi kay Casey sabay abot ng kamay. “ Ayos lang, Casey” ang sagot ni Casey at inabot din ang kamay. Simula noon, palagi ng magkasama si Naomi at Casey at naging matalik na kaibigan. Silang dalawa ang magkaramay sa kasiyahan at kalungkutan. Tinutulungan ni Naomi si Casey sa mga asignatura at talagang napapasaya naman ni Casey si Naomi.

Si Naomi ay isang matalinong bata. Mapa sa asignaturang Pilipino, Ingles, o Matematika ay kayang kaya niya. Ngunit ang lubos na hinahangaan ni Casey kay Naomi pagdating sa talento ay napakagaling niyang magsulat ng mga kwento, tula, at iba pa. Habang si Casey ay isang tunay na kaibigan, siya ay lagging nakikinig, nagpapayo, at nagpapasaya sa kanyang nagiisa at napatalik na kaibigan na si Naomi.

Naging napakasaya ng taon para sa dalawa, natutuwa at nasasabik din sila dahil malapit na silang magtapos. Marami na silang pinaplanong gawin ng magkasama sa bakasyon ngunit isang araw biglang isinugod si Naomi sa ospital.

Labis na nagalala si Casey. Araw-araw ay dinadalaw niya ang kaibigan sa ospital at kung wala namang pasok ay naroon din siya. Ito naman ang ikinatutuwa ni Naomi dahil kahit siya ay may sakit at hindi maganda ang pakiramdam ay naroon ang kaibigan sa kanyang tabi upang magkwento at pasayahin siya. Hindi malaman ng mga doktor ang sakit ni Naomi, ipinayo nila na dalin sa Estados Unidos ang bata upang malaman ang kanyang sakit.

Bagaman mahirap sa dalawa ang maghiwalay, ay alam nilang ito ang mas makububuti para kay Naomi. Sabay nilang inihahanda ang sarili sa paghihiwalay. “ huwag kang magaalala Casey palagi pa naman tayong maguusap sa telepono at susulatan kita” ang wika ni Naomi. “ Oo alam ko , basta magpagaling ka pagdating mo roon para mas mabilis kitang makita ulit” ang wika namna ni Casey. “ Pangako yan” naman ang sagot ng kaibigan.

Isang araw bago umalis si Naomi patungon Estados Unidos ipinatawag si Casey mula sa klase. Sabi ay naroon daw ang kanyang mga magulang. Nagtataka si Casey sa pangyayari at hindi rin maganda ang pakiramdam niya rito. “ Ano po ang nangyayari” tanong ni Casey sa kanyang mga magulang. “Pupunta tayo ng ospital” ang wika ng ina sabay yakap sa anak. Sa puntong ito ay alam niyang may posibilidad na may nangyaring masama kay Naomi. Hindi niya napigilan at umagos ang luha sa kanyang mga mata at nabasa ang kanyang mukha.

Pagdating sa ospital, nakita ni Casey ang mga magulang ni Naomi na umiiyak. Bigla siyang tumakbo patungo sa kwarto at hinanap kaagad ang matalik na kaibigan. At doon kanya ngang nakita si Naomi nakapikit, parang natutulog, ang mga kamay ay nasa gilid at hindi na humihinga. Sa una’y di makapaniwala si Casey. Nagtataka siya kung bakit nangyari iyon, akala niyang maayos naman ang lagay ng kaibigan, panay pagluha lamang ang nagawa niya.

Pagkatapos ng libing ni Naomi, ay nagtungo ang pamilya kasama si Casey sa bahay nila Naomi. Tahimik ang lahat habang nasa sasakyan, walang umiimik.

Pagdating sa bahay, tahimik parin ang lahat, pumasok si Casey sa kwarto ng kanyang kaibigan. Nakita niya ang mga litrato, ilang mga isinulat ni Naomi, ang napakadaming libro, at ang mga damit ng kaibigan. Biglang tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata. “ Para sa iyo galing kay Naomi” ang wika ng ina ni Naomi at may hawak na kahon. Nagtataka man nagpasalamat si Casey sa ina ni Naomi at kinuha ang kahon.

Pagbukas ni Casey sa kahon doon niya nakita ang isang pulseras, ilang mga litrato nilang magkasama, litrato rin ng dagat at nakasulat sa likod nito na nais niyang makapunta sa dagat kasama si Casey, ang isang sulat, at isang kwaderno.

Una niyang kinuha ang mga litrato naalala niya ang mga ito at mas lalo niyang hinihiling na sana’y kasama pa niya ang kaibigan. Pagkatapos nito ay binuksan naman niya ang kwaderno. Dito siya lubusang naluha dahil ang laman ng kwadernong iyon ang mga mensahe para sa kanya ng kaibigan at mga kwentong iniakda ni Naomi. Ipinagbilin ni Naomi kay Casey na itago ang kwaderno pati na rin ang pulseras at kung makakaya ay ilimbag ang kanyang mga kwento.

Naglalakad si Casey sa tabing dagat, hawak-hawak ang isang simpleng pulseras, nilalanghap niya ang mainit na simoy ng hangin at magisang minamasdan ang pagbungad ng araw. Iniisip niya ang kanyang matalik na kaibigan na si Naomi, na kung sana’y buhay pa siya ay magkasama nilang pinagmamasdan ang unang pagbungad ng araw sa bakasyon. Sa Naomisey resort na naipundar ni Casey dahil sa mga kwentong iniakda ni Naomi.


iniakda ni: Martha Samson

1 comment:

Anonymous said...

OMG I WANNA CRY!!!!


awwww martha!
*looks for a box of tissue*